Mula sa DFA sa may Macapagal Blvd, kalakasan ng ulan. Wala pang payong. Share sa isang payong lang. Tumawid na kami sa kabilang kalsada para pumunta sa Roxas Blvd. Kainis bakit pa kasi hindi ko dinala ang payong ko. Buti nalang at doble ang suot kong damit at ung upper part ng polo lang ang basa.
Sumakay ng bus at jeep papuntang Divisoria. Kaunting kwentuhan ulit sa loob. Pagkababa naman dumaan kami sa 168. Ang putik ng daan, kung pwede lang mag short papuntang DFA gagawin ko kaso nung pumunta ako dun lahat sila naka jeans at baka hindi ako papasukin. Hehe!
Pumasok sa loob ng mall. Pareho lang siya sa may Tutuban pero kung damit lang talaga paguusapan mas maganda dun kesa dito na halos parang Carriedo lang ang siste. Puro tsinoy ang mayari ng mga stall sa pasilyo. Kursunada ko na magkaroon ng Super Mario keychain pero wala yung gusto ko at yung malaki lang ang andun, i dunno kung worth ba ang 180 para doon.
Dami ring China phone, sabi pa nga ni XT meron daw dun na kapag nag-tetext ka eh parang hologram siya. Bago lumabas sa mall, tiningnan ko rin ang mga spoof shift, parang inspired nga sa Team Manila shirt ang nabili ko, mga kanto na terms at street foods. Kulit nga niya kaya napabili tuloy ako.
Paglabas tinahak namin ang sobrang putik na daan. Naaawa naman ako sa sapatos ko. Kailangan na niya palitan dahil me kaunting butas na siya sa gilid. Dahan-dahan tuloy ang paglalakad ko at hawak ang pants para hindi masyado maputikan.
Dumaan sa tindahan ng mga stuff toys, yung nakita kong flounder fish kay XT sa Ocean Park pala niya nabili, wala akong nakita na ganun dito. Nakita ko rin kung paano nila gawin ang kastanyas, ang bango bango niya at ung pagluluto niyo eh sa isang malaking customized na drum.
Dahil kumakalam na ang sikmura namin, dumaan sa isang fastfood at kumain saglit. Matapos nito ay nagtuloy sa aming pagmamasid sa mga paninda sa bangketa. Napadaan sa tindahan ng mga prutas. Na curious ako sa isang prutas na maliit na parang inaamag na kulay blue, sugar plum pala siya, mahal nga lang at 50 pesos sa tatlong piraso lang, knowing myself na hindi ako mapapabili nang ganung kaunti lang makakain. Tiningnan ko nalang siya at saka na bibili pag nag food trip nalang. Lalo na ang kiwi na hindi ko pa natitikman. Ewan ko, sadyang kuripot lang talaga ako siguro.
May nagtitinda pa ng rabbit. Nagtataka lang ako bakit nasa mataas na pwesto siya, sabi ni manong libre naman daw ang magtanong, sabi niya although nakikita mong nag-hop ang mga bunny, may phobia sila sa heights kaya nde nila gagawing tumalon mula sa mataas na lugar. Hindi ko lang ma recall yung mga veggies na bawal sa kanila, me repolyo ata akong nakinig. Imported pa nga daw ang mga red eyed bunny eh albino lang kaya mga iyon. Ang sarap sarap nito hawakan, parang living stuff toy lang. Buti nga hindi ako kinagat at inamoy lang ang aking palad.
Dahil malapit na ang Halowin. Titingin sana ako ng ok na costume, sa office kasi plano ng team na parang Addams Family ang theme at syempre ako ang kalbo. Haha! Puro paputi, pula at itim sa mukha na naman ito pag natuloy. Balak ko sana yung maskara ni Jigsaw kung meron, kaso nagikot ikot kami at wala akong nakita. Si XT naman nabili ng horror mask para sa work niya.
Pagkatapos nito, dumaan naman kami sa tindahan ng mga bags/luggage. I dunno kung hindi ba siya pirated, hindi ko rin naman balak bumili sa ganun. Gusto lang ata ni XT yung bag ni Wako na dinala ni Jason sa Cabra kaya naman baka sakali na merong style ng Hawk bag dun sa lugar na iyon. Hindi pa ako nakakapunta sa Binondo (Manila Chinatown), kaya sinabi ko kay XT na pumunta kami dun, nilakad nalang namin siya tutal malapit lang naman daw.
Though ilang beses na akong napapadaan sa depressed area sa Manila, hindi pa rin nawawala ang shock ko pag nakikita ko ang mga bata at pamilya nila na namumuhay sa mga barong-barong at karton sa sidewalk. Maski ang bagong gawang tulay na sarado pa ngayon sa may estero. Parang ang dumi dumi tingnan lalo na ang isang building na puro mga sinampay na damit ang makikita mo. Hindi sa pagkukumpara pero kahit nasa probinsya ako, masasabi kong malinig at disente tingnan ang sa amin kumpara dito. Hanggang kailan kaya silang ganito, sa isip ko, sana nga dumating ang araw na hindi na sila titira sa ganitong lugar at may disenteng pamumuhay at tirahan na ang bawat isa sa kanila.
Matapos ang ilang minutong paglalakad, nakarating na kami sa Binondo. Ang arkong simbolo ng pagkakaibigan at relasyon ng Pinoy at Intsik ay mamamalas sa kahabaan ng Quintin Paredes. Napansin ko halos lahat ng banko nakapaligid dito eh merong Chinese translation, marahil dahil na rin sa karamihan ng customer nila eh Tsinoy din. Makikita rin ang Binondo Church, parang sa UST lang siya at nirerepair lang siguro ang mga lumang bahagi nito. Nakita ko rin sa lumang fountain na naliligo ang mga batang kalye.
Sayang nga at kung may camera lang akong dala eh kinuhaan ko na ng shot ang ilang bahagi nito. Naisipan kong bumili ng pasalubong sa bahay at kainin na rin sa office ng pamosong hopia ng Eng Bee Tin, na rinig ko pa kay XT na siya mismo ang nagtitimpla ng mga ingredients nito, kaya masasabing personalized talaga siya. Ang daming flavor ngayon, dati rati eh ube lang, tapos nito nagkaroon ng Buko Pandan at kombinasyon pa ng Ube/Pastillas, Langka at meron pang Mocchachino. Ang kulit kulit nga niya at pang attract na rin ang kulay nito at mukhang malinamnam. Dahil camwhore si XT, hindi napigilang kumuha ng picture sa tabi ng poster ni Eng Bee Tin.
Matapos nito, dahil wala pang tulog si XT at tapos na akong gumala sa lugar na iyon. Napagpasyahang umuwi na kami para makapag pahinga. Masakit na rin ang paa ko at naghihikab na nga eh. Sumakay na kami ng jeep, matatagalan pa kasi pag nag Quiapo ako kaya sa EDSA nalang ang baba ko para mag-MRT. Nauna nang bumaba si XT, salamat ulit sa pagsama sa akin kahit puyat ka at umuulan, sinamahan mo pa rin ako dahil hindi ko nga kabisado ang lugar.
Dahil na consume ko na ang stored value ticket ko, napilitang makipagsiksikan sa haba ng pila sa MRT-Taft, grabe ang init, naghalo halo na ang mga amoy nga mga tao, at pawis ang lahat. Kainis, ayoko talaga ng ganitong sitwasyon pero wala naman akong magagawa eh. Nagpalamig sa loob ng MRT. Sumakay ulit ng ilang jeep pa, nakarating sa bahay bandang alas-4 ng hapon. Humupa na ang ulan nung oras na iyon. Nag file na ako ng leave para sa araw na ito. Kaya naman himbing ang tulog ko martapos magpahinga ng ilang minuto.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
0 Reaction(s) :: Mukha ng Maynila
Post a Comment