Memoria: Eh Kasi Bata!

dahil sa post ni Bunwich naalala ko na naman ang aking kabataan (late 80's), kung saan malinis pa ang hangin, makakakita kapa ng mga gamugamo at paruparo sa kalsada; hindi ko man maibabalik ang nakaraan - andito pa rin siya sa aking puso at nagsisilbing alaala ng kahapon..

Ilan sa mga naalala kong mga gawain ko nung aking kabataan..

- Peborit ko talaga yung "tuyo" dati; well hanggang ngayon din naman. Hinihimayan pa ako ni Mama sa paligid ng aking plato at nakaka-ilang servings ng rice ako nun.

- Nakakatulog ako pag nililinisan ni Mama ang aking tenga, ewan ko hinahanap-hanap ko iyon ngayon, pero pagagalitan ako at sasabihing ang tanda-tanda mo na.

- Pag-akyat sa puno ng aratiles sa gilid ng bahay ni Aling Dading. Ang sarap kaya kung ikaw mismo ang pipitas nun at kakainin. Katabi pa nito ang puno ng bignay at balimbing pero hindi ako kumakain nun, sa kabilang bahay naman (nina Mang Ado), puno ng sineguelas naman. Kasama ko mga kalaro ko nun pag aakyat ng puno.

- Syempre lahat halos ng mga bata eh nagdaan sa mga electronic games - Game n Watch kung saan nakilala ko best friend ko (mula Grade 3), Nintendo Gameboy na green pa ang screen, Family Computer na magdamag nilalaro pagkatapos ng exam. Isama mo na rin ang brick game kung saan nagbuo pa kami ng "BrickGame, Family Computer club" - ang siste me schedule kung saang lugar maglalaro ang lahat.

- Larong patintero (gamit ang tubig kanal sa gilid ng kalsada), taguan (tuwing brownout o bilog ang buwan). Kaya pag-uwi ayun, amoy-pawis halos pero masaya siyempre kasi kasali lahat ng nasa street namin. Iyan ang isa sa mga nakaka-miss talaga. Pagiging close ng mga tao sa isang barangay na pati lahat ng mga bata eh kasali pag may larong kalye.

- Nakakahiya pero sa kagustuhan matikman kung anu ang lasa ng itlog ng pato eh patago akong pumunta sa patuhan ng kabilang bahay at kumuha ng itlog dali-daling tumakbo. Kinabukasan, sinubukang iluto, ayun malapit na pala mabuo ang itlog at may dugo pa, kakaawa naman ang magiging sisiw sana.

- Hindi ko talaga makakalimutan yung nainom kong tubig eh galing dsa FishPond sa aming school, kainis buti hindi ako na-LBM nun. Akala ko pa naman kasi malinis ang nainom ko nung nakisuyo ako sa isang kapwa-bata na pwede maki-inom dahil uhaw na ako, naka-ilang lagok na ako nun nang makita na bakit may lumot at kiti-kiti ang tubig. Huli na ang lahat. Alangan naman sukahan ko iyon.

- Ang mahabang lakarin sa pagtatapon ng basura. Noong nasa Grade 1/2 ata ako nun, since nasa public elementary school lang po ang inyong lingkod, hindi maiwasan na mautusan ng mga guro sa ibang mga bagay. Isa na roon ang pagtatapon ng basura, kelangan dalawa ang magbubuhat dahil may kalakihan ito. Sobrang layo para sa isang bata ang lalakarin. Kaya minsan umaabot ng 15minutos ang paglalakad kasama na roon ang pagbalik naman. Pero masaya kasi nagkaka-kwentuhan minsan.

- Ang buteteng laot (sumalangit nawa) na si Mr. Dominguez ang terror sa iskul. Pag nakikita niyang walang klase ang isang section, palalabasin niya at pagbubunutin ng mga damo ang mga ito. Naalala ko pa dati, parang mga pugante ang iba kong mga classmate kung magsitakas pag dumarating na si butete ay Mr. Dominguez pala.

- Ang baon kong Sarsaparilya (root beer), ewan ko kung iyan ang spelling pero iyan ang naririnig ko kasi dati sa TV ads. Bibili muna si Mama sa tindahan ng mama ni Dylan (elementary classmate) para iyon ang aking inumin (take note, marami akong baunan nung panahon na iyon, iba't ibang kulay at disenyo at hugis pa). Tapos nung kasikatan ng Burger Machine, iyon din ang baon ko minsan.

- Nakakahiya pero naranasan kong maihi sa klase, nahihiya kasi ako mag "Mam may i go out?", kaya ayun naihi ako sa klase. Kinabukasan ayun, tampulan ng tukso sa aking mga classmate. Pasalamat nalang ako at Grade 1 nun at hindi kung kelan matanda saka ganun. Hehe! Kesa naman dun sa isa kong classmate na natae naman. Waa!

- Pag recess time, since malaki ang oval area namin. Dun lagi ang punta namin at naglalaro minsan ng habulan Tatsing-Raber (cops and robber), luksong baka at tinik at longjump. Minsan sa mini-forest naman ang aming tambayan, sarap ng hangin kasi.

- Naranasan ko nang makagat ng antik (fire ants - dunno kung tama), sa puno ng makopa. Bigla kasing bumagsak ang sanga sa akin habang nanunungkit kami nito sa bahay ng landlady namin. Muntik na ring masunog ang aking paa dahil sa hindi inaasahan na nalapit ko sa siga ng apoy ang aking paa. Mabuti nalang at mabilis ring naapula pero nagkaroon ng 1st degree burns at ilang araw na nakabalot sa panyo (ewan ko bakit hindi uso ang benda nung panahon na iyon). Mabuti nalang at walang peklat na naiwan.

- Ang karoling tuwing nalalapit ang pasko, kung san-saan kami nakakapunta ni Ray-an at ni Banak (Jennylyn), masaya kasi nung panahon na iyon, hindi pa hirap ang buhay ang mga tao at namimigay talaga, walang nagsasabi ng patawad. Isama mo na rin sa listahan ang C.O.D. tuwing pasko kung saan may munting palabas na kadalasan eh sina Santa Clause, mga angel, Baby Jesus. Naalala ko rin ang pagpunta namin sa Luneta at sa PhilCite. Pag-uwi naman yung peborit kong leche flan at pininyahang manok ang nakahain na sa mesa.

- Pag birthday ko, laging imbitado ang mga teacher sa school at mga kaibigan. Maraming lobo at cake mula pa Goldilocks na custom-made. Ang saya-saya talaga pag birthday ko. Ewan ko, nami-miss ko rin iyon. Ngayon kasi hindi na ako nag-celebrate gaano, praktikal na rin.

- Ang mahiwagang Mighty Kid, lahat ng bata siguro ito ang pangarap nung kapanahunang iyon. Pati mga latest na damit meron dapat kami, kada dating ng remittance ni Papa abroad, namimili kami minsan sa Isetann o kaya sa Uniwide Cubao.

- Syempre hindi ko rin malilimutan lalo na yung pag-akyat nina Ma at Pa sa stage tuwing Recognition/Graduation day. Hindi sa pagbubuhat ng banko, pero parang laro lang kasi sa akin nung panahon na iyon ang pag-aaral. Kahit mahilig ako maglaro sa labas, hindi ko nakakalimutang magbasa ng libro at mag-aral nang mabuti. Consistent 2nd honor nung elementary, talagang ayaw ibigay sa akin ni Frendy ang 1st honor pero Ok lang. Kaming dalawa lang ang hindi natinag sa pwesto na iyon sa batch namin.

Medyo mahaba na ang listahan, pero marami pa akong naiisip. Ilan lang yan sa mga gintong alaala ng kahapon. Masasabi kong maswerte ako nung kabataan ko dahil naranasaan ko kung paano ang maging bata.

4 Reaction(s) :: Memoria: Eh Kasi Bata!

  1. Lol, para mo naman sinabing kami, hindi naging bata... pwede mag sorry?
    ehehehehe..

  2. tseh. hehe. matulog ka na dyan! salamat sa cd mark!

  3. nako...baka kamag-anak ko pa yata yang si Mr. Dominguez LOL

    nice post jin, nakaka-relate ako sa mga inilista mo.

  4. thanks pareng eben. miss na kita pare.